Paunang Salita
Sa taong ito, ating pag-aaralan sa apat na quarter Ang Ebanghelyo Ayon kay Juan. Sa kapakumbabaan, ang may-akda ng ikaapat na ebanghelyo ay hindi ipinakilala ang kanyang sarili, ni hindi siya gumawa ng anumang pagtukoy sa kanyang sarili bilang isa sa dalawang disipulo na unang sumunod kay Jesus (Juan 1:37). Sa halip, tinutukoy niya ang “ang isa pang alagad,” “ang alagad na yaon,” “ang alagad . . . na kaniyang inibig,” “ang alagad na inibig ni Jesus,” at “ang alagad na nagpapatotoo sa mga bagay na ito” (Juan 18:15; 19:26; 21:20, 23, 24). Ang katunayan na binanggit ang pangalan ng iba pang kilalang mga alagad habang ang pangalan ni Juan ay inalis, ay waring nagpapahiwatig na siya ang may-akda ng ebanghelyong iyon.
Ayon sa Espiritu ng Hula, ang may-akda ng ikaapat na ebanghelyo ay si Juan, “ang alagad na iniibig` ni Jesus.” Isa siya sa tatlong alagad na nakasaksi ng kaluwalhatian ni Kristo sa bundok ng pagbabagong-anyo at ng Kanyang paghihirap kasunod sa hardin bago ang paghuli sa Kanya. Ang kaniyang buhay ay isang namumukod-tanging halimbawa na nagpapakita kung paano ang kapangyarihan ng Diyos ay ganap na makapagpapabago ng isang “anak ng kulog” tungo sa isang taong may maibiging disposisyon at may malalim na espirituwal na pananaw.
“Si Juan ay kumapit kay Kristo gaya ng baging na kumapit sa matatag na haligi. Para sa kapakanan ng kanyang Guro ay nilabanan niya ang mga panganib sa bulwagan ng hukuman at nagtiis sa paligid ng krus, at sa pabalita na si Kristo ay nabuhay na mag-uli, siya ay nagmadali sa libingan, sa kanyang kasigasigan ay nahigitan maging ang mapusok na si Pedro.
“Ang nagtitiwalang pag-ibig at hindi-makasariling pagtatalaga na ipinakita sa buhay at katangian ni Juan ay naghahatid ng mga aral na hindi masayod ang halaga sa iglesiang Kristiyano. Si Juan ay hindi likas na taglay ang kagandahan ng pag-uugali na ipinakita sa kanyang huling karanasan. Sa likas na katangian, siya ay may malubhang mga depekto. Siya ay hindi lamang mapagmataas, mapanindigan sa sarili, at mapaghangad para sa karangalan, kundi mapusok, at mapaghinanakit kapag nasasaktan. Siya at ang kanyang kapatid ay tinawag na ‘mga anak ng kulog.’ Ang mainitin ang ulo, ang pagnanais na maghiganti, ang espiriitu ng pamumuna, ay lahat nasa minamahal na alagad. Ngunit sa ilalim ng lahat ng ito ang banal na Guro ay nakita, ang pagiging masigasig, matapat, at mapagmahal na puso. Si Jesus ay sinaway ang pagkamakasariling ito, binigo ang kanyang mga hangarin, sinubukan ang kanyang pananampalataya. Ngunit inihayag Niya sa kanya ang inaasam-asam ng kanyang kaluluwa—ang kagandahan ng kabanalan, ang nakapagpapabagong kapangyarihan ng pag-ibig.”—The Acts of the Apostles, pp. 539, 540.
Lahat ng matandang mga awtoridad ay nagsasabi na ang ebanghelyo ni Juan ay isinulat sa Efeso bandang A.D. 90 o mas maaga. Ang alagad ay inilagay sa isang kaldero ng kumukulong mantika at natakasan ang kamatayan sa isang mahimalang paraan, at pagkatapos ay pinatapon sa pulo ng Patmos (Pahayag 1:9). Doon niya isinulat ang Pahayag. Ang pag-akyat ni Nerva sa trono (A.D. 96) ay naging posible para sa kanya na makabalik sa Efeso, kung saan pinaniniwalaan na siya ay patuloy na nanirahan hanggang sa kanyang kamatayan sa panahon ng paghahari ni Trajan (A.D. 98–117).
Nawa'y ang Espiritu ni Kristo ang gumabay sa ating pag-aaral ngayong quarter, at hipuin ang ating mga puso bilang tugon sa Kanyang pag-ibig!
Ang General Conference Sabbath School Department