Back to top

Sabbath Bible Lessons

Mga Aral Mula sa Ebanghelyo Ayon kay Juan (Unang Bahagi)

 <<    >> 
Leksiyon 4 Sabbath, Enero 25, 2025

Si Hesus sa Templo

SAULUHING TALATA: “Nguni't ang Panginoo'y nasa kaniyang banal na templo: tumahimik ang buong lupa sa harap niya.” (Habakkuk 2:20).

“Ang mga nasasaklaw ng simbahan ay dapat bigyan ng sagradong paggalang.”—Testimonies for the Church, vol. 5, p. 494.

Iminumungkahing Babasahin:   Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 491-500

Linggo , Ene 19

1. ANG TEMPLONG NILAPASTANGAN

a. Ilarawan ang situwasyon na umiiral sa templo ng Jerusalem sa pasimula ng pampublikong ministeryo ni Kristo. Juan 2:13, 14.

“Ang bawat Judio ay kinakailangang magbayad taun-taon ng kalahating siklo bilang ‘isang katubusan para sa kanyang kaluluwa.’. . . Bukod dito, ang malalaking halaga ay dinadala bilang kusang-loob na mga handog, upang ilagak sa kabang-yaman ng templo. At kinakailangang ang lahat ng barya ng taga-ibang bansa ay dapat mapalitan ng baryang tinatawag na siklo ng templo, na tinatanggap para sa paglilingkod sa santuario. Ang pagpapalit ng salapi ay nagbigay ng pagkakataon para sa pandaraya at sapilitang paghingi, at ito ay naging isang kahiya-hiyang pangangalakal, na pinagmumulan ng pagkakakitaan ng mga pari.

“Ang mga mangangalakal ay humihingi ng napakataas na halaga para sa mga hayop na ibinebenta, at ibinabahagi ang kanilang mga kita sa mga pari at mga pinuno, na sa gayo'y nagpayaman sa kanilang mga sarili sa kapinsalaan ng mga tao.”—The Desire of Ages, p. 155.

b. Paano ito nakaapekto sa mga serbisyo sa templo? Ezekiel 22:26 (huling bahagi).

“Maraming bilang ng mga hain ang inihahandog sa panahon ng Paskuwa, at ang mga benta sa templo ay napakalaki. Ang resulta ng kaguluhan ay ang maingay na pamilihan ng baka sa halip ng sagradong templo ng Diyos. Maririnig ang malalakas na pakikipagtawaran, ang pag-ungol ng mga baka, ang pag-iyak ng mga tupa, ang huni ng mga kalapati, na may halong ingay ng barya at pagalit na pagtatalo. Napakatindi ng kaguluhan kung kaya't ang mga mananamba ay nagagambala, at ang mga salita na iniaalay sa Kataas-taasan ay natatabunan ng pagsisigawang sumakop sa templo.”—Ibid.


Lunes , Enero 20

2. PAGGALANG SA BAHAY NG DIYOS

a. Paano isinasaalang-alang ng Diyos ang lugar kung saan Siya nagpapakita ng Kanyang presensya—at ano ang Kanyang unang tagubilin sa Bundok ng Sinai? Exodo 3:1–5; 19:12, 13.

“Nang ang Panginoon ay bumaba sa Bundok Sinai, ang lugar ay napabanal sa pamamagitan ng Kanyang presensya. . . . Sa gayon itinuro ang aral na saanman ipakita ng Diyos ang Kanyang presensya, ang lugar ay banal.”—The Desire of Ages, pp. 155, 156.

b. Paano si Kristo kumilos sa paglapastangan sa templo? Juan 2:15, 16 .

“Sa pagpasok ni Jesus sa templo, nasaksihan Niya ang buong mga kaganapan. Nakita niya ang hindi patas na mga transaksyon. Nakita niya ang paghihirap ng mga dukha, na nag-iisip na kung walang pagbubuhos ng dugo ay walang kapatawaran ang kanilang mga kasalanan. Nakita Niya ang panlabas na patyo ng Kanyang templo na ginawang isang lugar ng hindi banal na kalakalan. Ang sagradong templo ay naging isang malawak na kalakalan.”—Ibid., p. 157.

“Dahan-dahang bumababa sa mga hagdanan, at itinataas ang panghagupit na mga lubid na natipon sa pagpasok sa bakuran, Inutusan Niya ang mga pangkat ng nakikipagtawaran na umalis mula sa mga nasasakop ng templo. Sa gayong sigasig at matinding galit na hindi pa Niya ipinamalas, ibinagsak Niya ang mga dulang ng mga namamalit ng salapi. Ang mga salapi ay tumapon, tumutunog nang husto sa sahig na yari sa marmol. Walang nangahas na magtanong sa Kanyang karapatan. Walang naglakas-loob na pahintuin upang tipunin ang kanilang nakuha sa masamang pakinabang. Sila ay hindi hinampas ni Jesus ng mga lubid, ngunit sa Kanyang kamay ang simpleng panghampas na iyon ay tila nakakakilabot na parang nagniningas na tabak. Ang mga pinuno ng templo, nakikipagsapalarang mga pari, mga ahente at mga mangangalakal ng mga hayop, kasama ang kanilang mga tupa at baka, ay nagmamadaling umalis mula sa lugar, na may iisang pag-iisip na makatakas mula sa pagkondena ng Kanyang presensya.”—Ibid., p. 158.

c. Ano ang ipinapahiwatig ng pagkilos ni Kristo sa paglilinis ng templo? Malakias 3:1–3.

“Ang mga looban ng templo sa Jerusalem, na puno ng kaguluhan ng hindi-banal na kalakalan, ay sinisimbolohan ng lahat ng tunay na templo ng puso, na nadungisan ng mahalay na pagnanasa at hindi banal na kaisipan. Sa paglilinis ng templo mula sa mga namimili at nagbebenta sa sanlibutan, ipinahayag ni Jesus ang Kanyang misyon na linisin ang puso mula sa karumihan ng kasalanan—mula sa makalupang pagnanasa, makasariling kahalayan, masasamang gawi, na sumisira sa kaluluwa.”—Ibid., p. 161.


Martes , Enero 21

3. ANG PRESENSYA NG DIYOS

a. Ano ang orihinal na layunin ng Diyos sa pagtatatag ng Kanyang santuario sa gitna ng Kanyang bayan? Exodo 25:8.

“Ang templong iyon, na itinayo para sa tahanan ng banal na Presensya, ay idinisenyo upang maging isang bagay na magtuturo para sa Israel at para sa sanlibutan. Mula sa mga walang hanggang kapanahunan ay layunin ng Diyos na ang bawat nilikhang nilalang, mula sa maliwanag at banal na serapin hanggang sa tao, ay dapat maging isang templo para panahanan ng Maylalang”—The Desire of Ages, p. 161.

b. Bakit ang mga mananampalataya ay tinutukoy bilang templo ng Diyos—at paano nang buong puso mapapangalagaan natin ang kabanalan ng templong ito? 1 Corinto 3:16, 17; Isaias 57:15.

“Dahil sa kasalanan, ang pagiging templo ng sangkatauhan para sa Diyos ay nagtapos. Nagdilim at nadungisan ng kasamaan, ang puso ng tao ay hindi na nagpahayag ng kaluwalhatian ng Isang Banal. Ngunit sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Anak ng Diyos, ang layunin ng Langit ay natupad. Ang Diyos ay nananahan sa sangkatauhan, at sa pamamagitan ng nagliligtas na biyaya ang puso ng tao ay muling nagiging Kanyang templo.”—Ibid.

“Kung tayo ay naniniwala na ang wakas ng lahat ng bagay ay malapit na, ‘ano ngang anyo ng mga pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagkamaawain?’

“Ang bawat kaluluwa na tunay na nananampalataya sa katotohanan ay magkakaroon ng katumbas na mga gawa. Lahat ay magiging masigasig at taimtim, at hindi mapapagod sa kanilang mga pagsisikap na akayin ang mga kaluluwa kay Kristo. Kung ang katotohanan ay unang itinanim nang malalim sa kanilang sariling mga kaluluwa, kung gayon ay sisikapin nilang itanim din ito sa puso ng iba. Ang katotohanan ay lubos na iniingatan sa labas ng tabernakulo. Dalhin ito sa pinakaloob na templo ng kaluluwa, iluklok ito sa puso, at hayaang kontrolin nito ang pamumuhay. Ang salita ng Diyos ay dapat pag-aralan at sundin, kung gayon ang puso ay makakatagpo ng kapahingahan at kapayapaan at kagalakan, at ang mga mithiin ay patungo sa langit; ngunit kapag ang katotohanan ay inihiwalay sa buhay, sa labas ng tabernakulo, ang puso ay hindi mapapainit ng nagniningas na apoy ng kabutihan ng Diyos.

“Ang relihiyon ni Jesus, sa marami ay, nakalaan para sa ilang araw, o ilang pagkakataon, at sa ibang mga panahon ay isinasantabi at napapabayaan. Ang matibay na prinsipyo ng katotohanan ay hindi lamang para sa ilang oras sa Sabbath, o para sa ilang mga gawa ng pag-ibig sa kapwa, kundi ito ay dapat dalhin sa puso, dinadalisay at pinapabanal ang pag-uugali.”—Testimonies for the Church, vol. 5, p. 547.


Miyerkules , Enero 22

4. ANG PAGLILINIS NG BUHAY NA TEMPLO

a. Ano ang dapat nating maunawaan tungkol sa ating walang magawang kakayahang kalagayan sa pagsisikap na linisin ang templo? Jeremias 2:22; Job 14:4.

“Walang tao sa kanyang sarili ang maaaring makapagpapalayas sa masasamang pulutong na sumasakop ng puso.”—The Desire of Ages, p. 161.

b. Ano ang lihim upang makatayo sa harapan ng isang banal na Diyos na may malinis na puso? Ezekiel 36:25–27; Zacarias 3:3–5.

“Si Jacob ay nagkasala ng isang napakalaking kasalanan sa kanyang ginawa kay Esau; ngunit siya ay nagsisi. Ang kanyang pagsalangsang ay napatawad, at ang kanyang kasalanan ay nilinis; kaya nakayanan niya ang paghahayag ng presensya ng Diyos. Ngunit saanman ang mga tao makarating sa harapan ng Diyos habang kusang inaalagaan ang kasamaan, sila ay mawawasak. Sa ikalawang pagdating ni Kristo ang masasama ay papatayin ‘sa Hininga ng Kanyang bibig,’ at ‘sa pamamagitan ng pagkahayag ng Kanyang pagparito ay lilipulin.’ 2 Tesalonica 2:8. Ang liwanag ng kaluwalhatian ng Diyos, na nagbibigay ng buhay sa matuwid, ang papatay sa masasama.

“Sa panahon ni Juan Bautista, si Cristo ay malapit nang magpakita bilang tagapaghayag ng katangian ng Diyos. Ang mismong presensya Niya ang maghahayag sa mga tao ng kanilang kasalanan. Kung sila lamang ay handang linisin mula sa kasalanan maaari silang makapasok sa pakikipagkaisa sa Kanya. Tanging ang malinis ang puso ang maaaring manatili sa Kanyang presensya.”—Ibid., p. 108.

“Tanging si Kristo lamang ang maaaring makapaglilinis ng templo ng kaluluwa. Ngunit hindi Siya mamimilit sa pagpasok. Hindi siya papasok sa puso na gaya ng sa templo noong una; subali’t sinasabi Niya, ‘Narito ako'y nakatayo sa pintuan at tumutuktok: kung ang sinoman ay duminig ng aking tinig at magbukas ng pinto, ako'y papasok sa kaniya, at hahapong kasalo niya, at siya'y kasalo ko.’ Pahayag 3:20. Siya ay papasok, hindi para sa isang araw lamang; sapagka't sinasabi Niya, Mananahan Ako sa kanila, at lalakad Ako sa kanila; . . . at sila’y magiging Aking bayan.’ ‘Kaniyang yayapakan ang ating kasamaan: at Kaniyang ihahagis ang lahat nilang kasalanan sa mga kalaliman ng dagat..’ 2 Corinto 6:16; Mikas 7:19. Ang Kanyang presensya ay maglilinis at magpapabanal sa kaluluwa, upang ito ay maging isang banal na templo sa Panginoon, at ‘isang tahanan ng Diyos sa pamamagitan ng Espiritu.’ Efeso 2:21, 22.”—Ibid., pp. 161, 162.

“Habang si Jesus ay naglilingkod sa santuwaryo sa itaas, Siya pa rin sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu ang Tagapangasiwa ng iglesia sa lupa.”—Ibid., p. 166.


Huwebes , Enero 23

5. PAGLILINIS NG TEMPLO NGAYON

a. Paano ang Diyos bibigyan ng pananagutan ang mga pinuno ng Kanyang iglesia na masigasig na itinataguyod ang kasagraduhan ng Kanyang tahanan? Habakuk 2:20; Ezekiel 44:23.

“Ang mga nasasaklaw ng templo ng Diyos ay dapat na ituring na sagrado. Ngunit sa pagsisikap para sa pakinabang, ang lahat ng ito ay nakakaligtaan.

“Ang mga saserdote at mga pinuno ay tinawagan upang maging mga kinatawan ng Diyos sa bansa; dapat sana ay itinutuwid nila ang mga pang-aabuso sa looban ng templo. Dapat sana sila ay nagbibigay sa bayan ng halimbawa ng katapatan at pagkahabag.”—The Desire of Ages, p. 156.

“Totoo na ang paggalang sa tahanan ng Diyos ay halos nawawala na. Ang mga sagradong bagay at lugar ay hindi na nakikilala; ang banal at marangal ay hindi na napapahalagahan. . . . Ang Diyos ay nagbigay ng mga tuntunin ng kaayusan, matuwid at wasto, sa Kanyang sinaunang bayan. Ang Kanyang katangian ba ay nagbago? Hindi ba Siya ang dakila at makapangyarihang Diyos na namamahala sa langit ng mga langit? Hindi ba’t makabubuti para sa atin na basahin nang madalas ang mga tagubiling ibinigay ng Diyos Mismo sa mga taga Hebreo, upang tayo na may liwanag ng maluwalhating katotohanan na sumisinag sa atin ay tularan ang kanilang paggalang sa bahay ng Diyos?”—Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 495, 496.

b. Ipaliwanag ang kinakailangang tagumpay na dapat matamo sa kalakasan ni Kristo. Mateo 5:8; 1 Juan 3:1–3.

“Ako ay nananawagan sa lahat na nag-aangking anak ng Diyos na huwag kalimutan ang dakilang katotohanang ito, na kinakailangan natin ang Espiritu ng Diyos sa kalooban natin upang maabot ang langit, at ang gawain ni Cristo sa panlabas natin upang tayo ay mabigyan ng katibayan ng pagkamay-ari ng walang kamatayang pamana.”—Testimonies to Ministers, p. 442.


Biyernes , Enero 24

PERSONAL NA MGA KATANUNGAN SA PAGBABALIK-ARAL

1. Sino ang mga pasimuno ng napakasamang pakikipagkalakalan sa templo?

2. Ano ang dapat na maging pag-uugali ng sinumang lumalapit sa harapan ng Diyos?

3. Ipaliwanag ang espirituwal na kahalagahan mayroon ang templo ng Jerusalem.

4. Ano ang ipinahayag ni Kristo sa paglilinis ng templo?

5. Paano lamang ang ating may depektong puso malilinis?

 <<    >>