Back to top

Sabbath Bible Lessons

Mga Aral Mula sa Ebanghelyo Ayon kay Juan (Unang Bahagi)

 <<    >> 
Leksiyon 12 Sabbath, Marso 22, 2025

Ang Kapamahalaan ng Anak

SAULUHING TALATA: “Sapagka't kung paanong ang Ama ay may buhay sa kaniyang sarili, ay gayon din namang pinagkalooban niya ang Anak na magkaroon ng buhay sa kaniyang sarili: At binigyan niya siya ng kapamahalaang makahatol, sapagka't siya'y anak ng tao.” (Juan 5:26, 27).

“Ang aking kapamahalaan, sabi [ni Jesus], para sa paggawa ng gawaing isinasakdal ninyo sa Akin, ay Ako ang Anak ng Diyos, na kaisa Niya sa likas, sa kalooban, at sa layunin. Sa lahat ng Kanyang mga gawa ng paglikha at probidensya, Ako ay nakikipagtulungan sa Diyos.”—The Desire of Ages, p. 208.

Iminumungkahing Babasahin:   Thoughts from the Mount of Blessing, pp. 123-129

Linggo , Marso16

1. KAPANTAY NG DIYOS

a. Maliban sa pagpapagaling ng paralitiko sa Sabbath, ano pa ang dahilan kung bakit napopoot ang mga Judio kay Jesus? Juan 5:17, 18.

“Si Jesus ay nag-aangkin ng kapantay na karapatan ng Diyos. . . .

“Ang buong bansa ng mga Hudyo ay tinatawag ang Diyos na kanilang Ama, kung kaya't hindi sila dapat magagalit kung si Cristo ay inilalarawan ang Kanyang sarili na nakatayo sa parehong kaugnayan sa Diyos. Subali’t inaakusahan nila Siya ng pamumusong, na nagpapakita na nauunawaan nila Siya na ginagawa ang pag-aangkin na ito sa pinakamataas na kahulugan.”—The Desire of Ages, pp. 207, 208.

b. Paano pinagtibay ni Kristo ang kapamahalaan ng mga utos ng Diyos nang higit sa mga tradisyon ng tao? Mateo 15:1–9, 13.

“Itong mga kalaban ni Kristo ay walang mga pangangatuwiran upang labanan ang mga katotohanang dinadala Niya sa kanilang budhi. Sila ay maaari lamang banggitin ang kanilang mga kaugalian at mga tradisyon, at ang mga ito ay tila mahina at walang laman kapag inihahambing sa mga argumento na kinukuha ni Jesus mula sa salita ng Diyos at sa walang humpay na pag-ikot ng kalikasan.”—Ibid., p. 208.


Lunes , Marso 17

2. PAKIKIPAGKAISA SA AMA

a. Paano ni Jesus ipinaliwanag ang Kanyang kaugnayan sa Ama? Juan 5:19, 20.

b. Anong kapamahalaan at kapangyarihang nauukol sa Ama ang ipinahayag ni Cristo na taglay din Niya? Juan 5:21–23.

“Ang mga saserdote at mga pinuno ay iniangkop ang kanilang sarili bilang mga hukom upang hatulan ang gawain ni Kristo, ngunit ipinahayag Niya ang Kanyang sarili bilang kanilang hukom, at hukom ng buong sangkalupaan. Ang sanglibutan ay ipinagkatiwala kay Kristo, at sa pamamagitan Niya ay dumating ang bawat pagpapala mula sa Diyos para sa nangahulog na lahi. Siya ang Manunubos bago at pagkatapos ng Kanyang pagkakatawang-tao. Nang sandaling nagkaroon ng kasalanan, mayroon agad ng isang Tagapagligtas. Siya ay nagbigay ng liwanag at buhay sa lahat, at ayon sa sukat ng liwanag na ibinigay, bawat isa ay hahatulan. At Siya na nagbigay ng liwanag, Siya na sumusunod sa kaluluwa nang may magiliw na pagsusumamo, na nagsisikap na makuha ito mula sa kasalanan tungo sa kabanalan, ay isang tagapagtanggol at hukom.” – The Desire of Ages, p. 210.

c. Ilarawan ang pagbabago sa ugali na nangyayari habang nauunawaan natin na si Kristo ang ating hukom. Roma 2:1–3; Mateo 7:1.

“Siya na nagpapakabuyo sa isang mapamunang espiritu ay nagkakasala ng mas malaking kasalanan kaysa sa isa na kanyang inaakusahan, sapagkat hindi lamang niya ginagawa ang parehong kasalanan, kundi idinadagdag dito ang pagmamataas at pagiging mapamuna.

“Si Kristo ang tanging tunay na pamantayan ng pag-uugali, at siya na nagtatakda ng kanyang sarili bilang pamantayan para sa iba ay inilalagay ang kanyang sarili sa lugar ni Kristo. At dahil ‘ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;’ (Juan 5:22), sinumang mangahas na hatulan ang mga motibo ng iba ay muling inaagaw ang kaukulang karapatan ng Anak ng Diyos. Ang mga nais maging hukom at kritiko ay inilalagay ang kanilang sarili sa panig ng anticristo, ‘Na sumasalangsang at nagmamataas laban sa lahat na tinatawag na Dios o sinasamba; ano pa't siya'y nauupo sa templo ng Dios, na siya'y nagtatanyag sa kaniyang sarili na tulad sa Dios..’ 2 Tesalonica 2:4.”—Thoughts From the Mount of Blessing, p. 125, 126.

“Hindi natin mababasa ang puso. Ang ating mga sarili ay may mga depekto, tayo ay hindi karapat-dapat na umupo sa paghatol sa iba. Ang mga taong may hangganan ay maaaring humatol lamang mula sa panlabas na anyo. Sa Kanya lamang na nakakaalam ng mga lihim na pinagmumulan ng pagkilos, at nakikitungo nang magiliw at mahabagin, ay ipinagkakaloob na magpasya sa kaso ng bawat kaluluwa.”—Ibid., p. 124.


Martes , Marso 18

3. ANG NAPAKAHALAGANG KATIYAKAN

a. Anong katiyakan ang ibinibigay sa bawat matapat na mananampalataya kay Kristo? Juan 5:24.

“Sa bawat utos at sa bawat pangako ng salita ng Diyos ay ang kapangyarihan, ang mismong buhay ng Diyos, kung saan maaaring matupad ang utos at maisakatuparan ang pangako. Siya na sa pamamagitan ng pananampalataya ay tumatanggap ng salita ay tumatanggap ng mismong buhay at katangian ng Diyos.”—Christ’s Object Lessons, p. 38.

“Ang dakilang gawain na ginawa para sa makasalanan na may batik at bahid ng kasamaan ay ang gawain ng pag-aaring ganap. Sa pamamagitan niya na nagsasalita ng katotohanan siya ay ipinahahayag na matuwid. Ang Panginoon ay ibinibilang sa mananampalataya ang katuwiran ni Kristo at ipinahahayag siyang matuwid sa harapan ng sansinukob. Inililipat niya ang kanyang mga kasalanan kay Jesus, ang kinatawan ng makasalanan, kahalili, at katiyakan. Kay Kristo ay inilalagay Niya ang kasalanan ng bawat kaluluwang sumasampalataya. ‘Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios’ (2 Corinto 5:21). . . .

“Bagaman bilang mga makasalanan tayo ay nasa ilalim ng paghatol ng kautusan, gayunpaman si Kristo sa pamamagitan ng Kanyang pagsunod na ibinigay sa kautusan, ay inaangkin para sa nagsisising kaluluwa ang merito ng Kanyang sariling katuwiran. Upang matamo ang katuwiran ni Kristo, kinakailangang malaman ng makasalanan kung ano ang pagsisisi na gumagawa ng isang lubusang pagbabago ng pag-iisip at espiritu at pagkilos. Ang gawain ng pagbabago ay dapat magsimula sa puso, at ipakita ang kapangyarihan nito sa pamamagitan ng bawat kakayahan ng pagkatao; ngunit ang tao ay hindi kayang simulan ang gayong pagsisisi na gaya nito, at maaaring maranasan ito nang mag-isa sa pamamagitan ni Kristo, na umakyat sa itaas, ay dinala niyang bihag pagkabihag, at nagbigay ng mga kaloob sa mga tao.”—Selected Messages, bk. 1, pp. 392, 393.

b. Anong mga banal na kaukulang karapatan ang inihayag ni Kristo na taglay Niya? Juan 5:25–29.

“Dahil natikman na Niya ang mga pinaka-latak ng paghihirap at tukso ng tao, at nauunawaan ang mga kahinaan at kasalanan ng mga tao; sapagkat alang-alang sa atin Siya ay matagumpay na napaglabanan ang mga tukso ni Satanas, at makikitungo nang matuwid at magiliw sa mga kaluluwa kung kanino nabuhos ang Kanyang sariling dugo upang iligtas—dahil dito, ang Anak ng tao ay itinalaga upang magsagawa ng paghatol.” The Desire of Ages, p. 210.

“Si Kristo ay pinagkalooban ng kapangyarihan upang magbigay ng buhay sa lahat ng mga nilalang.”—Selected Messages, bk. 1, p. 249.


Miyerkules , Marso 19

4. SI JESUS, ANG PANGUNAHING PAKSA NG KASULATAN

a. Paano ipinaliwanag ni Jesus ang dahilan ng kawalan ng pananampalataya ng mga Judio? Juan 5:37, 38.

“Sa halip na humingi ng tawad sa gawang kanilang inerereklamo, o ipaliwanag ang Kanyang layunin sa paggawa nito, si Jesus ay binalingan ang mga pinuno, at ang inaakusahan ay naging nag-aakusa. Sinaway niya sila dahil sa katigasan ng kanilang mga puso, at sa kanilang kamangmangan sa mga Kasulatan. Ipinahayag niya na tinanggihan nila ang salita ng Diyos, yayamang tinanggihan nila Siya na isinugo ng Diyos.”—The Desire of Ages, p. 211.

b. Bakit ang mga Judio ay nabigong unawain ang Kasulatan? Juan 5:39, 40.

“Sa bawat pahina, kasaysayan man, o tuntunin, o propesiya, ang mga Banal na Kasulatan sa Lumang Tipan ay nililiwanagan ng kaluwalhatian ng Anak ng Diyos. Hanggang sa ngayon ang banal na institusyon, ang buong sistema ng Hudaismo ay isang siksik na propesiya ng ebanghelyo. Kay Kristo ‘ang pinatotohanan ng lahat ng mga propeta.’ Gawa 10:43. Mula sa pangakong ibinigay kay Adan, hanggang sa linya ng patriarka at ayon sa batas na ekonomiya, ang maluwalhating liwanag ng langit ay ginawang malinaw ang mga yapak ng Manunubos. Ang mga tagakita ay natanaw ang Bituin sa Bethlehem, ang Shiloh na darating, habang ang mga bagay sa hinaharap ay dumadaan sa harapan nila sa mahiwagang pagkakasunod-sunod. Sa bawat paghihirap ang kamatayan ni Kristo ay ipinapakita. Sa bawat usok ng insenso ang Kanyang katuwiran ay umaakyat. Sa bawat pakakak ng kapistahan ang Kanyang pangalan ay ipinagbibigay-alam. Sa nakakakilabot na hiwaga ng kabanal-banalan ang Kanyang kaluwalhatian ay nananahan.

“Ang mga Hudyo ay taglay ang Kasulatan sa kanilang pag-aari, at inakala na sa kanilang panlabas na kaalaman lamang sa salita ay magkakaroon sila ng buhay na walang hanggan. Ngunit sinabi ni Jesus, ‘kayo'y walang salita niya na nananatili sa inyo.’ Sa pagtanggi kay Kristo sa Kanyang salita, tinanggihan nila Siya nang personal. ‘Ayaw kayong magsilapit sa Akin,’ sabi Niya, ‘upang kayo’y magkaroon ng buhay.’

“Ang mga pinunong Judio ay pinag-aralan ang mga turo ng mga propeta hinggil sa kaharian ng Mesiyas; ngunit ginawa nila ito, hindi sa taimtim na pagnanais na malaman ang katotohanan, kundi sa layuning makahanap ng katibayan upang mapanatili ang kanilang mapaghangad na pag-asa. Nang si Kristo ay dumating sa paraang salungat sa kanilang inaasahan, hindi nila Siya tinanggap; at upang bigyang-katwiran ang kanilang mga sarili, sinubukan nilang patunayan Siya na isang manlilinlang. Kapag minsang itinakda nila ang kanilang mga paa sa landas na ito, nagiging madali para kay Satanas na palakasin ang kanilang pagsalungat kay Kristo. Ang mismong mga salita na dapat sana ay tanggapin bilang katibayan ng Kanyang pagka-Diyos ay binigyang-kahulugan laban sa Kanya. Sa gayon ang katotohanan ng Diyos ay ginawa nilang kasinungalingan.”—Ibid., pp. 211, 212.


Huwebes , Marso 20

5. ANG KALUWALHATIAN NG DIYOS

a. Ano ang umakay sa mga Judio na tanggihan si Jesus at maghanap ng mga huwad na guro? Juan 5:41–44.

“Sinabi ni Jesus, ‘Hindi ako tumatanggap ng kaluwalhatian mula sa mga tao.’ Hindi ang impluwensya ng Sanhedrin, hindi ang kapahintulutan nila ang Kanyang ninanais. Hindi Niya tatanggapin ang karangalang mula sa kanilang pagsang-ayon. Siya ay pinagkalooban ng kaluwalhatian at kapamahalaan ng Langit. Kung ninais Niya ito, ang mga anghel sana ay darating upang sambahin Siya; ang Ama ay muling magpapatotoo sa Kanyang kabanalan. Ngunit para sa kanilang sariling kapakanan, para sa kapakanan ng bansa na kung saan sila ang mga pinuno, ninais Niya na makilala ng mga Judiong pinuno ang Kanyang katangian, at tanggapin ang mga pagpapalang dala Niya sa pagparito.

“ 'Naparito Ako sa pangalan ng Aking Ama, at ayaw ninyo akong tanggapin: kung iba ang pumarito sa kaniyang sariling pangalan, ay siya ninyong tatanggapin.' Si Jesus ay dumating sa pamamagitan ng kapamahalaan ng Dios, taglay ang Kanyang larawan, ginaganap ang Kanyang salita, at hinahanap ang Kanyang kaluwalhatian; gayon ma'y hindi Siya tinanggap ng mga pinuno sa Israel; ngunit kung iba ang dumating, na nagtataglay ng katangian ni Kristo, ngunit pinakikilos ng kanilang sariling kalooban at hinahanap ang kanilang sariling kaluwalhatian, sila ay tatanggapin. At bakit? Sapagkat siya na naghahangad ng kanyang sariling kaluwalhatian ay nananawagan sa pagnanais na iangat ang sarili sa iba. Sa gayong mga panawagan ang mga Hudyo ay maaaring tumugon. Tatanggapin nila ang huwad na guro dahil pinapupurihan ang kanilang kapalaluan sa pamamagitan ng pagsang-ayon sa kanilang minamahal na mga opinyon at tradisyon. Subali’t ang aral ni Kristo ay hindi naaayon sa kanilang mga ideya. Ito ay espirituwal, at nangangailangan ng pagtitiis sa sarili; kaya nga hindi nila ito tatanggapin. Hindi nila kilala ang Diyos, at sa kanila ang Kanyang tinig sa pamamagitan ni Kristo ay tinig ng isang dayuhan.

“Hindi ba't ang parehong bagay ay nauulit sa ating kapanahunan? Hindi ba marami, maging ang mga pinuno ng relihiyon, na pinatitigas ang kanilang mga puso laban sa Banal na Espiritu, na ginagawang imposible para sa kanila na makilala ang tinig ng Diyos? Hindi ba nila tinatanggihan ang salita ng Diyos, upang mapanatili nila ang kanilang sariling mga tradisyon?”—The Desire of Ages, pp. 212, 213.


Biyernes , Marso 21

PERSONAL NA MGA KATANUNGAN SA PAGBABALIK-ARAL

1. Anong kapamahalaan at karapatan ang inaangkin ni Kristo?

2. Anong ugnayan ang laging umiiral sa pagitan ni Jesus at ng Ama?

3. Anong nagbibigay-buhay na kapangyarihan ang taglay ni Kristo?

4. Ipaliwanag ang Juan 5:39.

5. Ilarawan ang resulta ng pagtanggi ng bansang Judio kay Jesus bilang Mesiyas.

 <<    >>