Linggo
, Pebrero 16
1. SI JESUS SA SICAR
a. Sa Kanyang paglalakbay sa Galilea, saan huminto si Jesus at ang Kanyang mga alagad? Juan 4:5, 6.
“Habang si Jesus ay nakaupo sa tabi ng balon, Siya ay nanghina dahil sa gutom at uhaw. Ang paglalakbay mula umaga ay mahaba, at ngayon ay tumama na sa Kanya ang init ng araw sa tanghaling tapat. Ang Kanyang pagkauhaw ay nadagdagan ng pag-iisip ng malamig, nakakaginhawang tubig na napakalapit, ngunit hindi Niya maabot; sapagka't wala siyang lubid o banga ng tubig, at ang balon ay malalim. Ang kalagayan ng pagiging tao ay nasa Kanya, at Siya ay naghihintay na may dumating upang kumuha.”—The Desire of Ages, p. 183.
b. Sino ang dumating sa balon, at anong tulong ang hiniling ni Jesus sa kaniya—at ano ang dapat nating matutunan mula rito? Juan 4:7.
“Ang poot sa pagitan ng mga Judio at mga Samaritano ay humadlang sa babae na mag-alok ng kabaitan kay Jesus; subali’t naghahanap ang Tagapagligtas ng susi sa pusong ito, at sa pamamaraan na dulot ng banal na pag-ibig, Siya ay humingi, hindi nag-alok, ng kabutihang loob. Ang alok ng isang kabaitan ay maaaring tanggihan; ngunit ang tiwala ay pumupukaw ng tiwala. Ang Hari ng langit ay lumapit sa itinakwil na kaluluwang ito, humihingi ng paglilingkod sa kanyang mga kamay. Siya na gumawa ng karagatan, na kumokontrol sa tubig ng malalaking kalaliman, na nagbubukas ng mga bukal at mga daluyan ng lupa, ay nagpahinga mula sa Kanyang pagkapagod sa balon ni Jacob, at umaasa sa kabutihang-loob ng isang dayuhan para sa kaloob ng kahit na inuming tubig lamang.”—Ibid., p. 184.
Lunes
, Pebrero 17
2. IBANG URI NG TUBIG
a. Paano tinawag ni Jesus ang pansin ng babae sa kaloob na kaligtasan? Juan 4:10.
“Ang tubig na tinutukoy ni Kristo ay ang paghahayag ng Kanyang biyaya sa Kanyang salita; Ang Kanyang Espiritu, ang Kanyang pagtuturo, ay isang kapaki-pakinabang na bukal sa bawat kaluluwa. Ang bawat iba pang pinagmumulan kung saan sila pupunta ay magpapatunay na hindi makakasapat. Ngunit ang salita ng katotohanan ay parang malamig na batis, na kinakatawanan bilang tubig ng Lebanon, na laging nagbibigay-kaluguran. Kay Kristo ay ang kapuspusan ng kagalakan magpakailanman.”—Testimonies to Ministers, p. 390.
b. Ano ang tugon ng babae sa alok ni Kristo? Juan 4:11, 12.
“Ang pag-unawa ng babae ay hindi agad naintindihan ang pakahulugan ni Kristo; inakala niyang Siya ay nagsasalita tungkol sa balon na nasa harapan nila.”—The Spirit of Prophecy, vol. 2, pp. 140, 141.
c. Paano tinukoy ni Jesus ang pagkakaiba ng isang uri ng tubig sa iba pa—at paano rin tayo pinagpala ng mensaheng ito? Juan 4:13, 14; Pahayag 22:17.
“Dapat nating pahalagahan ang pag-ibig at pagpapasalamat, dapat tayong tumingin kay Jesus at mabago ayon sa Kanyang wangis. Ang resulta nito ay lalago sa pagtitiwala, pag-asa, pagtitiis, at lakas ng loob. Tayo ay iinom ng tubig ng buhay na sinasabi ni Kristo sa babaeng Samaritana. Sinabi niya: ‘Kung napagkikilala mo ang kaloob ng Dios, at kung sino ang sa iyo'y nagsasabi, Painumin mo ako; ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buhay. . . . Ang sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni't ang tubig na sa kaniya'y aking ibibigay ay magiging isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.’ Ang tubig na ito ay kumakatawan sa buhay ni Kristo, at ang bawat kaluluwa ay dapat magkaroon nito sa pamamagitan ng pagkakaroon ng buhay na kaugnayan sa Diyos. Kasunod ang mapalad, mapagkumbaba, at mapagpasalamat na pagtitiwala ang magiging mananatiling prinsipyo sa kaluluwa. Ang hindi nananampalatayang pagkatakot ay aalisin bago ang buhay na pananampalataya. Pagnilayan natin ang katangian Niya na unang umibig sa atin.”—Testimonies to Ministers, p. 226.
Martes
, Pebrero 18
3. TUBIG NA BUHAY
a. Paano ipinakita ng babaeng Samaritana na hindi pa rin niya nauunawaan ang mga salita ni Kristo? Juan 4:15.
“Ang banal na biyaya na Siya lamang ang makapagbibigay, ay gaya ng tubig na buhay, naglilinis, nagpapaginhawa, at nagpapasigla sa kaluluwa.
“Hindi ipinarating ni Jesus ang ideya na ang isang lagok lamang ng tubig ng buhay ay sapat na sa tumatanggap. Siya na nakatikim ng pag-ibig ni Kristo ay patuloy na maghahangad ng higit pa; ngunit wala siyang mahahanap na iba pa. Ang kayamanan, karangalan, at kasiyahan ng sanlibutan ay hindi nakakaakit sa kanya. Ang patuloy na sigaw ng kanyang puso ay, Higit pa ng nagmumula sa Iyo. At Siya na naghahayag sa kaluluwa ng pangangailangan nito ay naghihintay upang matugunan ang gutom at uhaw nito. Bawat mapagkukunan ng tao at pinagtitiwalaan ay mabibigo. Ang mga balon ay mawawalan ng laman, ang mga lawa ay matutuyo; ngunit ang ating Manunubos ay isang hindi nauubusang bukal. Maaari tayong uminom, at muling uminom, at patuloy na makakahanap ng bagong mapagkukunan. Siya na tinatahanan ni Kristo ay may bukal ng pagpapala sa kanyang sarili— ‘isang balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.’ Mula sa pinagmumulan na ito ay maaari siyang kumuha ng kalakasan at biyaya na sasapat para sa lahat ng kanyang mga pangangailangan.” – The Desire of Ages, p. 187.
b. Tulad ng babaeng Samaritana at ng mga naninirahan sa ilang sa Exodus, paano natin madalas na hindi napapansin ang nakakamanghang biyaya na dumadaloy mula kay Kristo? Awit 78:15, 16, 19, 20 (unang bahagi); 114:7, 8.
“Si Moises ay pinalo ang bato, subali’t iyon ay ang Anak ng Diyos na natatalukbungan ng ulap na haligi, na nakatayo sa tabi ni Moises, at nagpapadaloy ng nagbibigay-buhay na tubig. Hindi lamang si Moises at ang mga matatanda, kundi ang buong kapisanan na nakatayo sa malayo, ang nakakita ng kaluwalhatian ng Panginoon; subali’t kung ang ulap ay maaalis, sila ay mamamatay sa pamamagitan ng matinding liwanag Niya na nakatahan doon.”—Patriarchs and Prophets, p. 298.
“Ang magiliw na presensya ni Kristo sa Kanyang salita ay palaging nagpapahayag sa kaluluwa, na kumakatawan sa Kanya bilang balon ng tubig na buhay upang paginhawahin ang nauuhaw na kaluluwa. Pribilehiyo natin ang magkaroon ng buhay, nananatiling Tagapagligtas. Siya ang pinagmumulan ng espirituwal na kapangyarihang ipinupunla sa atin, at ang Kanyang impluwensya ay dadaloy sa mga pananalita at pagkilos, na pinapasigla ang lahat ng nasa saklaw ng ating impluwensya, na nagdudulot sa kanila ng mga mithiin at hangarin para sa kalakasan at kadalisayan, para sa kabanalan at kapayapaan, at para sa kagalakang iyon na hindi magdudulot ng kalungkutan. Ito ang resulta ng isang nananahang Tagapagligtas.”—Testimonies to Ministers, p. 390.
Miyerkules
, Peb 19
4. SI JESUS AY SINIMULANG IPAHAYAG ANG KANYANG PAGKAKAKILANLAN
a. Anong bagong paksa ang pinasimulan ni Jesus sa Kanyang pakikipag-usap sa babaeng Samaritana—at paano siya tumugon? Juan 4:16, 17 (unang bahagi).
“Si Jesus ay biglang ibinaling ang pag-uusap. Bago ang kaluluwang ito maaaring matanggap ang kaloob na nais Niyang ipagkaloob, dapat siyang dalhin sa pagkakilala ng kanyang kasalanan at ng kanyang Tagapagligtas. 'Sinabi niya sa kanya, Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa, at pumarito ka.' Sumagot siya, 'Wala akong asawa.' Sa gayon siya ay umasang maiwasan ang lahat ng pagtatanong sa puntong iyon. 187.
b. Paano ni Jesus dinagdagan ang kanyang sagot—at ano ang ipinaaalaala nito sa atin tungkol sa lahat ng nalalaman Niya tungkol sa bawat isa sa atin? Juan 4:17 (huling bahagi), 18; Awit 139:7, 8, 11, 12.
“Ang kadakilaan ng Diyos ay hindi natin kayang unawain. ‘Ang Kanyang luklukan ay nasa langit’ (Awit 11:4); ngunit sa pamamagitan ng Kanyang Espiritu Siya ay naroroon sa lahat ng dako. Siya ay may malalim na kaalaman sa, at personal na interes sa, lahat ng mga gawa ng Kanyang kamay.”—Education, p. 132.
“Ang mga anghel sa langit ay sinusuri ang gawaing iniatang sa ating mga kamay; at kung saan nagkaroon ng paglihis mula sa mga alituntunin ng katotohanan, ang ‘nagkukulang’ ay nakasulat sa mga talaan.”—Child Guidance, p. 155.
“Ang kautusan ng Diyos ay umaabot sa mga damdamin at motibo, gayundin sa panlabas na mga kilos. Inihahayag nito ang mga lihim ng puso, sinisinagan ng liwanag ang mga bagay bago ibaon sa kadiliman. Nalalaman ng Diyos ang bawat iniisip, bawat layunin, bawat plano, bawat motibo. Sa mga aklat ng langit ay nakatala ang mga kasalanang nagawa sana kung nagkaroon ng pagkakataon. Dadalhin ng Diyos ang bawat gawa sa paghuhukom, kasama ang bawat lihim na bagay. Sa pamamagitan ng Kanyang kautusan ay sinusukat Niya ang pag-uugali ng bawat tao. Tulad ng pagkopya ng pintor sa canvas ng mga detalye ng mukha, gayon ang mga detalye ng ugali ng bawat isa ay kinokopya sa mga aklat ng langit. Ang Diyos ay may matuwid na larawan ng ugali ng bawat tao, at ang larawang ito ay inihahambing Niya sa Kanyang kautusan. Inihahayag niya sa tao ang mga depekto na sumisira sa kanyang buhay, at nananawagan sa kanya na magsisi at talikuran ang kasalanan.”—The SDA Bible Commentary [E. G. White Comments], vol. 5, p. 1085.
Huwebes
, Pebrero 20
5. SI JESUS AY IPINAHAYAG ANG KANYANG SARILI BILANG TAGAPAGLIGTAS
a. Ano sa huli ang naunawaan ng babae sa balon tungkol kay Jesus? Juan 4:19. Ang pagkakilala bang ito ay sapat na?
“Ang nakikinig ay nanginig. Isang mahiwagang kamay ang bumubukas sa mga pahina ng kasaysayan ng kanyang buhay, ipinapakita kung ano ang inaasahan niyang panatilihing nakatago magpakailanman. Sino Siya na nakakabasa ng mga lihim ng kanyang buhay? Dumating sa kanyang pag-iisip ang tungkol sa walang hanggan, ng hinaharap na paghuhukom, kapag ang lahat ng nakatago sa ngayon ay mahahayag. Sa liwanag nito, ang konsensya ay nagising.
“Siya ay wala nang maitatanggi; ngunit sinubukan niyang iwasan ang lahat ng pagbanggit ng paksang hindi nagugustuhan. Sa taimtim na paggalang, sinabi niya, ‘Ginoo, napaghalata kong Ikaw ay isang propeta.’ Pagkatapos, sinusubukang pigilin ang pananalig, siya ay bumaling sa mga punto ng panrelihiyong pagtatalo. Kung ito ay isang propeta, tiyak na mabibigyan Niya siya ng tagubilin hinggil sa mga bagay na ito na matagal nang pinagtatalunan.”—The Desire of Ages, pp. 187, 188.
b. Nang ang babae ay magpakita ng pag-asa sa pagdating ng Mesiyas, ano ang sinabi sa kanya ni Jesus? Juan 4:25, 26.
“Ang paanyaya ng ebanghelyo ay hindi dapat limitahan, at ipahayag lamang sa piling iilan, na, sa palagay natin, ay bibigyan tayo ng karangalan kung tatanggapin nila ito. Ang mensahe ay dapat ibigay sa lahat. Saanman ang mga puso ay nakabukas upang tanggapin ang katotohanan, si Kristo ay handang turuan sila. Ipinahayag Niya sa kanila ang Ama, at ang pagsambang katanggap-tanggap sa Kanya na nakakabasa ng puso. Para sa mga gayon Siya ay hindi gumagamit ng mga talinghaga. Sa kanila, gaya ng babae sa balon, sinabi Niya, ‘Ako na nagsasalita sa iyo ay Siya nga.’ ”—The Desire of Ages, p. 194.
Biyernes
, Pebrero 21
PERSONAL NA MGA KATANUNGAN SA PAGBABALIK-ARAL
1. Bakit si Jesus ay hindi kailanman gumawa ng himala para sa Kanyang sariling kapakanan?
2. Anong pamamaraan ang ginamit ni Jesus upang akayin ang Samaritana sa ebanghelyo?
3. Ano ang sinabi ng Guro tungkol sa tubig ng buhay?
4. Bakit binanggit ni Kristo ang personal na buhay ng babaing Samaritana?
5. Magbigay ng isang pangako na nauugnay sa pagdating ng Mesiyas.