Back to top

Sabbath Bible Lessons

Mga Aral Mula sa Ebanghelyo Ayon kay Juan (Unang Bahagi)

 <<    >> 
Leksiyon 9 Sabbath, Marso 1, 2025

Ang Kapanganakan ng isang Misyonero

SAULUHING TALATA: “Hindi baga sinasabi ninyo, May apat na buwan pa, at saka darating ang pagaani? narito, sa inyo'y aking sinasabi, Itanaw ninyo ang inyong mga mata, at inyong tingnan ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin” (Juan 4:35).

“Si Jesus ay nagsimulang wasakin ang pader sa pagitan ng Hudyo at Gentil, at ipangaral ang kaligtasan sa sanlibutan. Bagama't Siya ay isang Hudyo, Siya ay malayang nakipaghalubilo sa mga Samaritano, na itinatakwil ang mga pang-Pariseong kaugalian ng Kanyang bansa.”—The Desire of Ages, p. 193.

Iminumungkahing Babasahin:   Testimonies for the Church, vol. 5, pp. 182-187

Linggo , Pebrero 23

1. BAGONG BUHAY, BAGONG PANGUNAHING ALALAHANIN

a. Nang makilala si Jesus bilang ang Mesiyas, ano kaagad ang ginawa ng babaing Samaritana? Juan 4:28, 29.

“Ang babae ay napuspos ng kagalakan habang siya ay nakikinig sa mga salita ni Cristo. Ang kahanga-hangang paghahayag ay halos nangingibabaw. Iniwan ang kanyang palayok, siya ay bumalik sa lungsod, upang dalhin ang mensahe sa iba. Alam ni Jesus kung bakit siya nawala. Ang pag-iwan sa kanyang palayok ng tubig ay nagsasalita nang walang alinlangan tungkol sa epekto ng Kanyang mga salita. Ito ay ang taimtim na pagnanais ng kanyang kaluluwa upang makakuha ng buhay na tubig; at nakalimutan niya ang kanyang sadya sa balon, nakalimutan niya ang pagkauhaw ng Tagapagligtas, na nilayon niyang bigyan. Na may pusong nag-uumapaw sa kagalakan, nagmadali siya sa kanyang paglakad, upang ibigay sa iba ang mahalagang liwanag na kanyang natanggap.”—The Desire of Ages, p. 191.

b. Ano ang ginawa ng mga naninirahan sa Sicar nang marinig nila ang patotoo ng kanilang kapwa mamamayan? Juan 4:30.

“Ang mga salita [ng babae] ay umantig sa kanilang puso. May bagong sigla sa kanyang mukha, pagbabago sa kanyang buong anyo. Sila ay nagnanais na makita si Jesus.”—Ibid.


Lunes , Pebrero 24

2. ANG PAG-AANI AT ANG MGA MANG-AANI

a. Nang makita ni Jesus na dumarating ang mga naninirahan sa Sicar, ano ang Kanyang sinabi sa Kanyang mga alagad? Juan 4:35–38.

“ ‘Ang umaani,’ sabi Niya, ‘ay tumatanggap ng upa, at nagtitipon ng bunga sa buhay na walang hanggan; upang ang naghahasik at ang umaani ay mangagalak kapuwa. At dito totoo ang kasabihang iyon, Isa ang naghahasik, at iba ang umaani.’ Dito itinuro ni Kristo ang sagradong paglilingkod na pananagutan sa Diyos ng mga tumatanggap ng ebanghelyo. Sila ay magiging Kanyang buhay na mga kinatawan. Hinihingi Niya ang kanilang indibidwal na paglilingkod. At maging tayo man ay naghahasik o nag-aani, tayo ay gumagawa para sa Dios. Ang isa ay inihahasik ang buto; ang iba ay nagtitipon sa pag-aani; at kapuwa ang manghahasik at ang mang-aani ay tatanggap ng kabayaran. Sila ay magkasamang nagagalak sa gantimpala ng kanilang pagpapagal.”—The Desire of Ages, pp. 191, 192.

b. Ano ang epekto ng patotoo ng babae tungkol kay Cristo—at ano ang maaari nating matutunan sa epekto nito? Juan 4:39.

“Kapag tayo ay kaisa kay Kristo, nasa atin ang pag-iisip ni Kristo. Ang kadalisayan at pag-ibig ay sumisinag sa pag-uugali, ang kaamuan at katotohanan ang kumokontrol sa buhay. Ang mismong anyo ng mukha ay nababago. Si Kristo kapag nananahan sa kaluluwa ay nagpapakita ng nagpapabagong kapangyarihan, at ang panlabas na aspeto ay nagdadala ng patotoo sa kapayapaan at kagalakan na nananaig sa kalooban. Tayo ay uminom sa pag-ibig ni Kristo, gaya ng sanga na kumukuha ng sustansya mula sa puno. Kung tayo ay inihugpong kay Kristo, kung sa bawat hibla tayo ay kaisa sa Buhay na Puno, tayo ay magbibigay ng katibayan ng katunayan sa pamamagitan ng pagbunga ng masaganang kumpol ng buhay na bunga. Kung tayo ay nakaugnay sa Liwanag, tayo ay magiging mga daluyan ng liwanag, at sa ating mga pananalita at gawa tayo ay magpapakita ng liwanag sa sanlibutan. . . .

“Sa pamamagitan ng pagtingin tayo ay mababago; at sa pagninilay-nilay natin sa mga kasakdalan ng banal na Huwaran, nanaisin nating maging lubusang magbago, at mabago na ayon sa wangis ng Kanyang kadalisayan. Sa pamamagitan ng pananampalataya sa Anak ng Diyos ang pagbabago ay nagaganap sa pag-uugali, at ang anak ng poot ay nagiging anak ng Diyos. Siya ay dumadaan mula sa kamatayan tungo sa buhay; siya ay nagiging espirituwal at nakikilala ang mga espirituwal na bagay. Ang karunungan ng Diyos ay sumisinag sa kanyang isipan, at nakikita niya ang mga kamangha-manghang bagay mula sa Kanyang kautusan. Habang ang isang tao ay nahihikayat sa katotohanan, ang gawain ng pagbabago ng pag-uugali ay nagpapatuloy.”—Selected Messages, bk. 1, pp. 337, 338.


Martes , Pebrero 25

3. ANG PRESENSYA NI JESUS SA SAMARIA

a. Anong kahilingan ang ginawa ng mga Samaritano kay Jesus—at bakit? Juan 4:40.

b. Ilarawan ang resulta ng panahon ni Kristo sa Samaria. Juan 4:41.

“Sa mga salitang ipinahayag sa babae sa balon, ang mabuting binhi ay naihasik, at gaano kabilis natamo ang pag-aani. Ang mga Samaritano ay dumating at nakinig kay Jesus, at nananampalataya sa Kanya. Dumagsa sa Kanya sa balon, sila ay nagtanong sa Kanya ng mga tanong, at sabik na tinanggap ang Kanyang mga paliwanag sa maraming bagay na malabo sa kanila. Habang sila ay nakikinig, ang kanilang kalituhan ay nagsimulang maalis. Sila ay parang mga tao na nasa matinding kadiliman na naghahanap ng biglaang sinag ng liwanag hanggang sa magsimula ang umaga. Ngunit sila ay hindi nasiyahan sa maikling pakikipag-usap na ito. Sila ay sabik na makarinig pa, at ang kanilang mga kaibigan ay mapakinggan din ang nakakamanghang gurong ito. Inanyayahan nila Siya sa kanilang lungsod, at pinakiusapan Siya na manatili sa kanila. Sa loob ng dalawang araw Siya ay nanatili sa Samaria, at marami pa ang nanampalataya sa Kanya.”—The Desire of Ages, p. 192.

“Ang Diyos ay inihayag ni Kristo sa Kanyang mga alagad sa paraang nagsasagawa sa kanilang mga puso ng isang natatanging gawain, tulad ng kung gaano na Siya katagal na nagsusumamo sa atin na hayaan Siyang gumawa sa ating mga puso. Marami ang, sa labis na pagsasaalang-alang sa mga teorya, ay nakalimutan ang buhay na kapangyarihan ng halimbawa ng Tagapagligtas. Nawawala sa kanilang paningin Siya tulad ng isang mapagpakumbaba, mapagtanggi sa sariling manggagawa. Ang kinakailangan nila ay pagmasdan si Hesus. Araw-araw ay kinakailangan natin ang bagong paghahayag ng Kanyang presensya.”—Reflecting Christ, p. 302.

c. Ano ang ipinahayag ng maraming Samaritano pagkatapos nilang tanggapin si Jesus bilang ang Mesiyas? Juan 4:42.

“Ang mga Pariseo ay winalang halaga ang pagiging simple ni Jesus. Hindi nila pinansin ang Kanyang mga himala, at humingi ng tanda kung Siya nga ang Anak ng Diyos. Subali’t ang mga Samaritano ay hindi humingi ng anumang tanda, at si Jesus ay hindi gumawa ng mga himala sa kanila, maliban sa paghahayag ng mga lihim ng kanyang buhay sa babae sa balon. Ngunit marami ang tumanggap sa Kanya. Sa kanilang bagong kagalakan ay sinabi nila sa babae, 'Ngayon ay sumasampalataya kami, hindi dahil sa iyong pananalita: sapagka't kami rin ang nakarinig sa Kanya, at nalalaman naming ito nga ay ang Cristo, ang Tagapagligtas ng sanglibutan.’, pp. 192, 193.


Miyerkules , Pebrero 26

4. ANG KAPANGYARIHAN NG HULA

a. Sa anong hula ibinatay ng mga Samaritano ang kanilang pananampalataya sa ipinangakong Mesiyas? Genesis 49:10.

“Ang mga Samaritano ay nananampalataya na ang Mesiyas ay darating bilang Manunubos, hindi lamang ng mga Judio, kundi ng sanglibutan. Ang Banal na Espiritu sa pamamagitan ni Moises ay inihula Siya bilang isang propetang sinugo ng Diyos. Sa pamamagitan ni Jacob ay ipinahayag na sa Kanya tatalima ang mga bansa; at sa pamamagitan ni Abraham, ay pagpapalain sa Kanya ang lahat ng mga bansa. Sa mga banal na kasulatang ito ibinatay ng mga tao sa Samaria ang kanilang pananampalataya sa Mesiyas. Ang katunayan na ang mga Hudyo ay nagkamali sa pagpapakahulugan sa mga sumunod na propeta, na nag-uugnay sa unang pagdating ng kaluwalhatian ng ikalawang pagparito ni Kristo, ang nagbunsod sa mga Samaritano na iwaksi ang lahat ng mga sagradong kasulatan maliban sa mga ibinigay sa pamamagitan ni Moises. Ngunit habang inaalis ng Tagapagligtas ang mga maling pagpapaliwanag na ito, marami ang tumanggap sa mga huling hula at mga salita ni Kristo Mismo patungkol sa kaharian ng Diyos.” – The Desire of Ages, p. 193.

b. Ano ang matututunan natin ngayon mula sa katunayan na ang mga Samaritano ay kahanga-hangang bukas sa katotohanan? Ecclesiastes 11:4, 5.

“Sa buong sanlibutan ang mga lalaki at babae ay nananabik na nakatingin sa langit. Ang mga panalangin at pagluha at mga pagtatanong ay umaakyat mula sa mga kaluluwang nananabik sa liwanag, para sa biyaya, para sa Banal na Espiritu. Marami ang nasa tabi na ng kaharian, naghihintay lamang na matipon.” – The Acts of the Apostles, p. 109.

c. Ano ang magiging kalagayan ng bawat isa kapag tunay nilang tinanggap si Kristo? Magbigay ng mga halimbawa. Marcos 5:18–20; 7:31–37.

“Ang Espiritu [ni Kristo] ay pagbubutihin sa tao ang lahat na magpaparangal sa pag-uugali at magpapadakila sa likas. Bubuohin nito ang tao para sa kaluwalhatian ng Diyos sa katawan at kaluluwa at espiritu. . . . At ang mga kaluluwang napasama na naging mga instrumento ni Satanas ay mababago pa rin sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Kristo na maging mga mensahero ng katuwiran, at susuguin ng Anak ng Diyos upang sabihin sa kanila kung gaano 'kadakilang mga bagay ang ginawa sa iyo ng Panginoon, at kung paanong kinahabagan ka Niya. .' ”—The Desire of Ages, p. 341.


Huwebes , Pebrero 27

5. CRISTIANONG MISYONERO

a. Anong mga aral ang matututunan natin mula sa babaing Samaritana? 1 Juan 1:1–3; 2 Corinto 5:14 (unang bahagi).

“Nang matagpuan niya ang Tagapagligtas, ang babaeng Samaritana ay dinala ang iba sa Kanya. Pinatunayan niya ang kanyang sarili na isang mas magaling na misyonero kaysa sa Kanyang sariling mga alagad. Ang mga alagad ay walang nakita sa Samaria na nagpapahiwatig na iyon ay isang napakagandang bukid. Ang kanilang mga isipan ay nakatutok sa isang dakilang gawaing dapat gawin sa hinaharap. Hindi nila nakita na sa kanilang paligid mismo ay may aanihing dapat tipunin. Ngunit sa pamamagitan ng babae na kanilang hinamak, ang buong lungsod ay nadala upang makinig sa Tagapagligtas. Dinala niya ang Liwanag kaagad sa kanyang mga kababayan.

“Ang babaeng ito ay kumakatawan sa paggawa ng praktikal na pananampalataya kay Kristo. Bawat tunay na disipulo ay ipinapanganak sa kaharian ng Diyos bilang isang misyonero. Siya na umiinom ng buhay na tubig ay nagiging bukal ng buhay. Ang tumatanggap ay nagiging tagabigay. Ang biyaya ni Kristo sa kaluluwa ay parang bukal sa disyerto, na bumubukal upang paginhawahin ang lahat, at ginagawang ang mga handa ng mamatay ay maging sabik na uminom ng tubig ng buhay.” – The Desire of Ages, p. 195.

b. Paano ang karanasang ito pinasisigla tayo ngayon? Ecclesiastes 11:6 .

“Hindi natin kinakailangang pumunta sa ibang bansa upang maging mga misyonero para sa Diyos. Sa paligid natin ay mga bukirin na ‘mapuputi na upang anihin,’ at sinuman ang nagnanais ay maaaring tipunin ang ‘bunga tungo sa buhay na walang hanggan.’ Ang Diyos ay nananawagan sa karamihan sa Battle Creek na namamatay na sa espirituwal na katamaran na pumunta kung saan kinakailangan ang kanilang paggawa sa Kanyang layunin. Lisanin ang Battle Creek, kahit na ito ay nangangailangan ng salaping sakripisyo. Pumunta sa isang lugar upang maging pagpapala sa iba. Pumunta kung saan maaari ninyong palakasin ang ilang nanghihinang iglesia. Gamitin ang mga kakayahang ibinigay sa inyo ng Diyos.”—Testimonies for the Church, vol. 5, p. 187.


Biyernes , Pebrero 28

PERSONAL NA MGA KATANUNGAN SA PAGBABALIK-ARAL

1. Ano ang ginawa ng babae nang makita niyang si Jesus ang tanging Tagapagligtas?

2. Ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng mga bukid na mapuputi upang anihin.

3. Ilang araw si Jesus nanatili sa mga Samaritano?

4. Anong patotoo ang ibinigay ng mga Samaritano tungkol kay Jesus?

5. Ano ang mangyayari sa mga tao sa sandaling tanggapin nila si Jesus sa kanilang buhay?

 <<    >>