Back to top

Sabbath Bible Lessons

Ang Ebanghelyo Ayon kay Juan (IKALAWANG BAHAGI)

 <<    >> 
LEKSIYON 7 SABBATH, MAYO 17, 2025

Ang Liwanag ay Tinatanggihan—o Ipinapahayag?

SAULUHING TALATA: “Ang Panginoon ay aking liwanag, at aking kaligtasan: kanino ako matatakot? Ang Panginoon, ay katibayan ng aking buhay; kanino ako masisindak?" ( Awit 27:1 ).

“Si Kristo ang ‘Ilaw, na lumiliwanag sa bawat tao na pumaparito sa sanglibutan.’ Juan 1:9. Kung paanong sa pamamagitan ni Kristo ang bawat tao ay may buhay, gayon din sa pamamagitan Niya ang bawat kaluluwa ay tumatanggap ng ilang sinag ng banal na liwanag.”—Education, p. 29.

Iminumungkahing Babasahin:   Testimonies for the Church, vol. 7, p. 18–28

Linggo , Mayo 11

1. ANG INIHULANG LIWANAG

a. Paano tinukoy ng Banal na Espiritu si Hesus sa pamamagitan ni Isaias? Isaias 49:6.

b. Paano ipinakilala ni Simeon si Jesus nang Siya ay dinala sa templo para sa pagtatalaga—at ano ang dapat idulot nito na dapat nating isasaalang-alang? Lucas 2:32.

“Ang matandang Simeon, sa templo kung saan nagtuturo ngayon si Kristo, ay nagpahayag tungkol sa Kanya bilang ‘isang ilaw upang ipahayag sa mga Gentil, at kaluwalhatian ng Iyong bayang Israel.’ Lucas 2:32. Sa mga salitang ito ay iniaangkop niya sa Kanya ang isang propesiya na nalalaman ng buong Israel. Sa pamamagitan ng propetang si Isaias, ang Banal na Espiritu ay nagpahayag, ‘Totoong magaan ang bagay na ikaw ay naging aking lingkod upang ibangon ang mga lipi ng Jacob, at isauli ang iningatan ng Israel, ikaw ay aking ibibigay na pinakailaw sa mga Gentil upang ikaw ay maging aking kaligtasan hanggang sa wakas ng lupa.' Isaiah 49:6, R.V. Ang hulang ito ay karaniwang nauunawaan na ipinahayag tungkol sa Mesiyas, at nang sabihin ni Jesus, ‘Ako ang ilaw ng sanlibutan,’ ang bayan ay hindi maaaring iwasang kilalanin ang Kanyang pag-aangkin na Siya ang Isang Ipinangako.”—The Desire of Ages, p. 465.

“O, anong nakakamanghang aral ang kuwentong ito ng Bethlehem! Kung paanong sinasaway nito ang ating kawalan ng pananampalataya, ang ating pagmamataas at pagiging makasarili. Kung gaano tayo nito binabalaan na mag-ingat, baka sa pamamagitan ng ating napakasamang pagpapabaya ay hindi na rin natin nakikilala ang mga tanda ng panahon, at sa gayon ay hindi natin malalaman ang araw ng pagdalaw.”—The Great Controversy, p. 315.


Lun , Mayo 12

2. ANG LIWANAG NA TINANGGIHAN

a. Ano ang naging reaksiyon ng mga pinunong Judio sa misyon ni Kristo? Juan 1:11; 8:13.

“Ang buong buhay at mga aral ni Kristo ay patuloy na mga aral ng pagpapakumbaba, kabutihang loob, kagalingan at pagtanggi sa sarili. Ito ay isang patuloy na pagsaway sa mapagmatuwid-sa-sarili, mabagsik na espiritu na ipinapakita ng mga Judio. Si Satanas ay umakay sa kanila hanggang sa tila sila ay nagtataglay ng galit sa pagbanggit lamang ng mga kahanga-hangang gawa ni Kristo, na umaakit sa atensyon ng mga tao mula sa kanila. Sa kalaunan ay pinaniwalaan nila ang kanilang sarili na siya ay isang impostor, at anumang paraan na maaari nilang gawin upang maalis Siya ay magiging isang kagalingan sa kanila.”—Spiritual Gifts, vol. 4a, p. 117.

b. Anong malinaw na mga paliwanag ang ibinigay ni Jesus sa mga hindi sumasampalatayang mga Pariseo—ngunit paano sila tumugon? Juan 8:14–18.

“Ang [mga Pariseo] ay walang nalalaman sa banal na katangian at misyon [ni Kristo] dahil hindi nila sinaliksik ang mga propesiya tungkol sa Mesiyas, bilang ito ay kanilang pribilehiyo at tungkuling dapat gawin. Wala silang kaugnayan sa Diyos at sa Langit, at sa gayon ay hindi nauunawaan ang gawain ng Tagapagligtas ng sanglibutan, at, bagaman nakatanggap na sila ng pinakamatibay na katibayan na si Jesus ang Tagapagligtas na iyon, gayunpaman sila ay tumangging mabuksan ang kanilang isipan upang makaunawa. Sa una ay inihanda nila ang kanilang mga puso laban sa Kanya, at tumangging paniwalaan ang pinakamatibay na patunay ng Kanyang pagka-Diyos, at, bilang resulta, ang kanilang mga puso ay lalong tumigas hanggang sa sila ay determinado ng hindi maniwala o tanggapin Siya.”—The Spirit of Prophecy, vol. 2, pp. 354, 355.

c. Anong kapansin-pansing kaibahan ang sinabi ni Jesus na umiiral sa pagitan Niya at ng mga hindi nananampalatayang Pariseo? Juan 8:19–23.

d. Ano ang magiging nakamamatay na resulta ng pagtanggi ng mga pinunong Judio kay Kristo? Juan 8:24; Mateo 23:38.


Mar , Mayo 13

3. DALAWANG URI NG MGA TAGAPAKINIG

a. Matapos bigyan ng babala na maaari silang mamatay sa kanilang mga kasalanan, ano ang hiniling ng mga Pariseo kay Jesus—at bakit? Juan 8:25 (unang bahagi).

“Tila hindi pinapansin ang Kanyang mga salita, kanilang itinanong, ‘Sino Ka baga?’ Sila ay determinadong pilitin Siya na ipahayag ang Kanyang sarili bilang Kristo. Ang Kanyang hitsura at Kanyang gawain ay napakasalungat sa inaasahan ng mga tao, na, gaya ng pinaniniwalaan ng Kanyang tusong mga kaaway, ang isang direktang pagpapahayag ng Kanyang sarili bilang Mesiyas ay magiging dahilan upang Siya ay tanggihan bilang isang impostor.”—The Desire of Ages, p. . 465.

b. Paano sila sinagot ng Tagapagligtas—na inihahayag ang Kanyang hindi pangkaraniwang kaugnayan sa Ama? Juan 8:25 (huling bahagi), 26–29.

“Hindi kailanman si Kristo lumihis sa katapatan sa mga prinsipyo ng kautusan ng Diyos. Kailanman ay hindi Siya gumawa ng anumang bagay na salungat sa kalooban ng Kanyang Ama. Sa harapan ng mga anghel, mga tao, at mga diablo ay maaari Siyang makapagsalita ng mga salita na kung mula sa alinmang mga labi ay maaaring maging kalapastanganan: ‘sapagka't ginagawa Kong lagi ang mga bagay na sa Kaniya'y nakalulugod.’ Juan 8:29 . Araw-araw sa loob ng tatlong taon ang Kanyang mga kaaway ay sumusunod sa Kanya, sinusubukang makahanap ng kasiraan sa Kanyang katangian. Si Satanas, kasama ang lahat ng kanyang kasabwat sa kasamaan, ay nagsisikap na madaig Siya; ngunit wala silang nasumpungan sa Kanya na kung saan ay makakakuha sila ng kalamangan. Maging ang mga diablo ay napilitang tanggaping: ‘Ikaw ang Banal ng Diyos.’ ”—Testimonies for the Church, vol. 8, p. 208.

c. Ilarawan ang pang-araw-araw na paglalakad ni Kristo kasama ang Kanyang Ama—at kung paano natin ipapakita ang karanasang iyon. Juan 15:10; Efeso 2:4–6.

“Kung ano si Jesus nang Siya ay nasa kalagyan ng tao, gayon ang nais ng Diyos sa Kanyang mga tagasunod. Sa Kanyang kalakasan ay dapat nating ipamuhay ang buhay na dalisay at may karangalan na isinakabuhayan ng Tagapagligtas.”—Ibid., p. 289.

“Ang buhay ng Tagapagligtas sa lupa, bagama't nabuhay sa gitna ng pakikipagtunggali, ay isang mapayapang buhay. Habang ang mga galit na kaaway ay patuloy na tinutugis Siya, sinabi Niya, Ang nagsugo sa Akin ay sumasa Akin: hindi Niya Ako binayaang nagiisa; sapagka't ginagawa Kong lagi ang mga bagay na sa Kaniya'y nakalulugod.’ Juan 8:29. Walang makatao o ni makademoniong silakbo ng poot ang nakagambala sa katiwasayan ng sakdal na pakikipag-ugnayang iyon sa Diyos.”—Thoughts From the Mount of Blessing, pp. 15, 16.


Miy erkules, Mayo 14

4. ANG LIWANAG AY IPINAHAYAG

a. Habang si Kristo ay nagsasalita ng mga masasakit na katotohanan sa mga Pariseo, paano ang Kanyang mga salita nakaapekto sa matapat na mga tagapakinig—at bakit ito makapagpapatibay sa atin ngayon? Juan 8:30.

“Nauunawaan ni Kristo kung paano kumilos nang mahinahon, matalinong pamamaraan, at isawalang-saysay ang kanilang mga plano na dalhin Siya sa paghatol. Ang mga salita ng Panginoon ay tulad ng matalas na palaso na tumatama sa puntirya, at sumusugat ng mga puso ng mga nagsasakdal sa Kaniya. Sa tuwing si Kristo ay nagsasalita sa mga tao, marami man o kaunti ang Kanyang mga tagapakinig, ang Kanyang mga salita ay may nakapagliligtas na epekto sa ilang mga kaluluwa na Kanyang mga tagapakinig. Walang mensaheng lumalabas mula sa mga labi ni Kristo ang nasasayang. Bawat salita na Kanyang binibigkas ay naglalagay ng bagong responsibilidad sa mga nakakarinig nito. Ang mga ministro na nagbibigay ng huling mensahe ng awa sa sanlibutan, na nagpapahayag ng katotohanan na may katapatan, na umaasa sa Diyos para sa kalakasan, ay hindi dapat matakot na ang kanilang mga pagsisikap ay mawalan ng kabuluhan. Walang makapagsasabi na ang palaso ng katotohanan ay hindi tumatama sa puntirya, at tumatagos sa mga kaluluwa ng mga nakikinig. Bagama't walang mata ng tao ang nakakakita sa paglipad ng palaso ng katotohanan, bagama't walang tainga ng tao ang nakakarinig ng sigaw ng sugatang kaluluwa, gayunpaman, ang katotohanan ay tahimik na tumatagos patungo sa puso. Ang Diyos ay nagpapahayag sa kaluluwa, at sa araw ng huling pagtutuos ang ministro ng Diyos ay tatayo na may dalang mga gantimpala ng tumutubos na biyaya upang magbigay ng karangalan kay Kristo, kung kanino ang karangalan ay nararapat. Ang Diyos, na lihim na nakakakita, ay hayagang gagantimpalaan yaong mga nagpapahayag ng katotohanan sa Kanyang pangalan.”—The Signs of the Times, Pebrero 6, 1896.

b. Bukod sa mga ministro, sino pa ang mapalad dahil sa pagpapahayag ng liwanag na nagmumula sa langit? Mga Awit 27:1; 147:15; Isaias 55:10, 11.

“Ang mga taong hindi natawagan sa ministeryo ay dapat hikayatin na gumawa para sa Panginoon ayon sa kanilang sariling kakayahan. Daan-daang mga kalalakihan at kababaihan ngayon na walang ginagawa ang maaaring gumawa ng may katanggap-tanggap na paglilingkod. Sa pagdadala ng katotohanan sa tahanan ng kanilang mga kaibigan at kapitbahay, magagawa nila ang isang dakilang gawain para sa Panginoon. Ang Diyos ay hindi nagtatangi ng mga tao. Gagamitin niya ang mapagpakumbaba, matapat na mga Kristiyano, kahit na hindi sila nagkaroon ng kasing-lawak na edukasyon gaya ng iba. Hayaan ang mga gayon na makibahagi sa paglilingkod para sa Kanya sa pamamagitan ng bahay-bahay na paggawa. Sa pag-upo sa tabi ng siga, sila ay maaaring—kung mapagpakumbaba, maingat, at maka-Diyos—ay mas may magagawa upang matugunan ang mga tunay na pangangailangan ng mga pamilya kaysa sa isang inordenahang ministro.”—Testimonies for the Church, vol. 7, p. 21.


Hue , Mayo 15

5. PAGKAALIPIN vs. KALAYAAN

a. Ano ang sinabi ni Jesus sa mga Judio na tumanggap sa Kanya? Juan 8:31, 32. Sa kabilang panig, paano ang mga hindi mananampalataya nabigong makita ang tanging kalagayan na magpapalaya sa atin mula sa kasalanan? Juan 8:33–36.

“[Ang mga Pariseo] ay nasa pinakamasamang uri ng pagkaalipin—na pinangungunahan ng espiritu ng kasamaan.

“Ang bawat kaluluwa na tumatangging ibigay ang kanyang sarili sa Diyos ay nasa ilalim ng kontrol ng ibang kapangyarihan. Hindi siya sa kanyang sarili. Siya ay maaaring magsalita tungkol sa kalayaan, ngunit siya ay nasa pinaka-nakakasuklam na pagkaalipin. Hindi siya hinahayaang makita ang kagandahan ng katotohanan, dahil ang kanyang isipan ay nasa ilalim ng kontrol ni Satanas. Habang pinupuri niya ang kanyang sarili na siya ay sumusunod sa dikta ng kanyang sariling pagpapasya, siya ay sumusunod sa kalooban ng prinsipe ng kadiliman. Si Kristo ay dumating upang palayain sa mga tanikala ng pagkaalipin mula sa kasalanan ang kaluluwa. . . .

“Sa gawain ng pagtubos ay walang pamimilit. Walang panlabas na puwersa ang ginagamit. Sa ilalim ng impluwensya ng Espiritu ng Diyos, ang tao ay hianahayaang pumili kung sino ang kanyang paglilingkuran. Sa pagbabagong nagaganap kapag ang kaluluwa ay sumusuko kay Kristo, mayroong lubos na pagkadama ng kalayaan. Ang pagtakwil sa kasalanan ay gawa ng kaluluwa mismo. Totoo, wala tayong kapangyarihang palayain ang ating sarili mula sa kontrol ni Satanas; ngunit kapag ninanais nating mapalaya mula sa kasalanan, at sa ating matinding pangangailangan ay nagsusumamo ng kapangyarihang wala at mas higit pa sa ating sarili, ang mga kakayahan ng kaluluwa ay napupuspos ng banal na kalakasan ng Banal na Espiritu, at sila ay sumusunod sa mga dikta ng kalooban sa pagtupad sa kalooban ng Diyos.

“Ang tanging kondisyon kung saan posible ang kalayaan ng tao ay ang pagiging kaisa ni Kristo. ‘Ang katotohana’y magpapalaya sa inyo;’ at si Kristo ang katotohanan. Ang kasalanan ay magtatagumpay lamang sa pamamagitan ng pagpapahina ng isipan, at pagsira sa kalayaan ng kaluluwa. Ang pagpapasakop sa Diyos ay pagpapanumbalik ng sarili—sa tunay na kaluwalhatian at dignidad ng tao. Ang banal na kautusan, kung saan tayo ay dinadala sa pagpapasakop, ay ‘ang kautusan ng kalayaan.’ Santiago 2:12.”—The Desire of Ages, p. 466.


Biyernes , Mayo 16

PERSONAL NA MGA KATANUNGAN SA PAGBABALIK-ARAL

1. Ipaliwanag ang kahalagahan ng mga salita ni Simeon tungkol kay Jesus.

2. Ilarawan ang pakikitungo ng mga eskriba at Pariseo kay Kristo.

3. Ano ang mangyayari sa kanilang bansa sa pagtanggi kay Jesus?

4. Paano tumutugon ang matapat na mga kaluluwa kay Kristo—noon at gayon din ngayon?

5. Ipaliwanag ang konsepto ng “kalayaan” sa liwanag ng katotohanan ng Ebanghelyo.

 <<    >>